Ni Mar T. Supnad

DINALUPIHAN, Bataan – Tinutugis ngayon ng pulisya ang isang lalaki na pumatay sa sarili niyang misis at sa ina nito sa Barangay San Simon sa Dinalupihan, Bataan nitong weekend.

Inalerto na rin ang pulisya sa kalapit na bayan ng Floridablanca sa Pampanga upang dakpin si Rocel Dakila, na umano’y pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang kanyang asawang si Joy Adriano Dakila, at ang ina nito at biyenan niyang si Betty Trinidad Adriano, 51 anyos.

Batay sa imbestigasyon ng Dinalupihan Police, bago ang insidente ay nagka-inuman pa ang mag-asawa kasama ang isang Boyet Mina sa loob ng kanilang bahay hanggang sa magtalo sina Rocel at Joy.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Nabatid na sa gitna ng pagtatalo ay kumuha ng gulok ang suspek at pinagsasaksak ang asawa, habang pinalo naman niya ng matigas na bagay sa ulo ang sumaklolong biyenan.

Selos ang sinisilip ng pulisya na motibo sa krimen.