Ni Bert de Guzman
Pinagtibay ng House Committee on Tourism ang substitute bill para sa pagbuo ng isang inter-governmental task force na poprotekta at aayuda sa mga turista.
Pinalitan ng pinagtibay na panukala ang House Bill 2963 na inakda ni Rep. Gloria Macapagal-Arroyo, na magtatatag ng intergovernmental task force para sa international visitor assistance, at HB 1828 ni Rep. Alfred Vargas, para maiwasan ang harassment ng mga turista sa bansa.
Kinilala ng panukala ang mahalagang ambag ng mga turista sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa kayat dapat silang pangalagaan at protektahan.
Sa loob ng 90 araw matapos maaprubahan ang panukalang “Tourist Protection and Assistance Act,” bubuo ang Kalihim ng Department of Tourism (DoT) ng inter-governmental task force, na kilalanin bilang Tourist Protection and Assistance Task Force.