Ni Bella Gamotea
Arestado ang isa sa dalawang lalaki na umano’y nangmolestiya sa 14-anyos na babae sa Parañaque City, nitong Huwebes ng gabi.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang suspek na si Archimedes Monreal y Guingguing, 29, pedicab driver, ng No. 208 Sitio Maligaya Street, Barangay Baclaran ng nasabing lungsod. Pinaghahanap naman ang kasama niyang si Nino Macasaet, nasa hustong gulang.
Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District (SPD), nahuli ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 1 ng Parañaque City Police, katuwang ang mga tanod ng Baclaran, ang suspek sa lugar, bandang 10:00 ng umaga.
Base sa pahayag ng ina ng biktima, nitong Abril 24 ay naglalaro ang kanyang anak kasama ang ilang kaibigan nang dumating ang mga suspek at sapilitang tinangay ang biktima at isinakay sa pedicab.
Dinala umano ng mga suspek ang biktima sa Aragon Street at doon pinagsamantalahan bago pinakawalan.
Nagsumbong ang biktima sa kanyang ina, na agad ini-report ang insidente at tuluyang inaresto ang suspek sa follow-up operation.
Sasampahan ang mga suspek ng paglabag sa Anti-Child Abuse (RA 7610).