Ni Reggee Bonoan

NAGTATAKA ang kampo ni Sofia Andres kung saan nanggagaling at sino ang nagpapakalat na aalis na siya ng ABS-CBN/Star Magic at lilipat sa GMA 7.

Sofia

Ito ang narinig naming pinag-uusapan sa ilang showbiz events na napuntahan namin at maganda raw ang offer sa kanya ng Kapuso network.

Karina Bautista, PH navy reservist na

Nagsimula ang haka-haka nang patayin na ang karakter ni Sofia sa epic seryeng Bagani bilang si Mayari, na ayon naman sa napagtanungan namin ay sadyang nasa script daw na mawawala kaagad ang aktres sa kuwento.

At mas lalo pang umugong na aalis na talaga ng Kapamilya network ang aktres dahil as of now ay wala pang kapalit na project ang Bagani.

Tinext namin ang ina ni Sofia at sinabing nagugulat nga rin daw silang mag-ina kung saan nanggaling ang isyu.

“Ang galing naman po nila (nagkakalat ng isyu), buti pa sila alam nila, kami walang alam,” bungad sa amin ng ina ni Sofia.

Inamin niya sa amin na sa Mayo (susunod na buwan) ang expiration ng kontrata ni Sofia sa Star Magic, pero automatic naman daw na ire-renew ang dalaga.

“Automatic renew naman po ‘iyon. Sasabihan na lang po kami kapag magsa-sign na,” sabi sa amin.

Inalam namin kung anong reaksyon ng Star Magic sa mga naglabasang isyu.

“Wala naman po, hindi po namin napag-uusapan kasi alam namang hindi totoo,” sabi pa ni Mommy ni Sofia.

Nabanggit din niyang, “Maski po may offer ang iba, sa ABS pa rin po kami.”

At kahit na walang regular show ngayon si Sofia pagkatapos ng Bagani ay regular naman ang mall shows niya sa out of towns bukod pa sa nag-renew siya bilang isa sa Filipino endorser ng Penshoppe nitong Abril at nagkaroon ng show na ginanap sa Manila Hotel para sa ika-32 taong anibersaryo ng nasabing clothing brand apparel.

Bukod kay Sofia ay kasama rin niya sina Loisa Andalio, Tyler and Tanner Mata, at Ronnie Alonte ang brand ambassador sa Pilipinas.

Samantala, habang hindi pa masyadong busy si Sofia sa career ay plano raw nitong mag-enrol ngayong Hunyo at hindi pa nito alam kung anong kurso ang kukunin.

“First year college po si Sofia pagpasok, pinag-iisipan kung anong school, ‘yung malapit lang sana sa amin,” sabi pa ni Mrs. Andres.

Anyway, hanggang ngayon ay marami pa ring umaasang magkakaroon ng twist sa kuwento ng Bagani at mabubuhay si Mayari (Sofia).