Ni BELLA GAMOTEA

Tumimbuwang ang isang Nigerian, na sangkot umano sa ilegal na droga, makaraang bistayin ng bala ng dalawang riding-in-tandem sa Las Piñas City bago magtanghali ngayong Lunes.

Dead on arrival sa Perpetual Help Medical Center Dalta System, bandang 12:32 ng tanghali, si Didicus Ohaeri, nasa hustong gulang, ng Elisa Homes, Bacoor, Cavite, sanhi ng tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan mula sa hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

Sa inisyal na ulat ni Las Piñas City Police chief, Senior Supt. Marion Balonglong, nangyari ang pamamaril sa harapan ng isang appliance center sa Alabang-Zapote Road sa Barangay Pamplona Tres, dakong 11:40 ng umaga.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sakay ang Nigerian sa kanyang Toyota Camry (NAQ-919) nang paulanan ng bala ng apat na armadong lalaki na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo.

Batay sa nakalap na impormasyon ng awtoridad, taong 2017 nang maaresto ng mga awtoridad si Ohaeri sa paglabag sa Sections 5 at 11 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 (RA 9165).

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng awtoridad at inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga salarin at ang motibo sa krimen.