Ni Celo Lagmay
WALA akong makitang dahilan kung bakit may mga pag-aatubili sa paglalantad ng drug list na malimit ipagwagwagan ni Pangulong Duterte. Ang naturang listahan ay kinapapalooban ng pangalan ng mga alagad ng batas, mga opisyal ng local government units (LGUs) at ng mismong mga barangay. Natitiyak ko na kabilang din dito ang mga users, pushers at mga druglord.
Matagal nang dapat inihayag ang tinatawag na drug personalities upang matiyak ng sambayanan ang mga pasimuno sa pagsabotahe sa kampanya ng administrasyon laban sa illegal drugs. Naniniwala ako na ang naturang mga pulis, barangay at local officials na itinuturing na mga diyablo ng lipunan o devil of society ay pawang mga inutil sa pagpuksa ng mga bawal na droga na lumalason sa utak ng mga kabataan.
Gusto kong maniwala na ang ilang alagad ng batas at ang mismong mga barangay officials ay patuloy na nagbubulag-bulagan at nakikipagsabwatan sa mga sugapa at mga drug lords. Paanong pasisinungalingan na hindi nila nahihigingan ang mga drug laboratories sa Batangas, Malabon at sa iba pang panig ng bansa? Hindi ba kahit na sa karagatan ay may mga pabrika din ng shabu at iba pang illegal drugs? Hindi ba ang naturang mga salot ng lipunan ang dapat unahing lipulin ng Pangulo?
Sa anu’t anuman, natitiyak ko na ang matitinong alagad ng batas at maipagkakapuring mga local officials ang magiging epektibong magkatuwang sa pagsugpo ng illegal drugs. Higit kaninuman, sila ang nakaaalam ng mga galaw at kinaroroonan ng mga naghahasik ng sindak at karahasan sa kani-kanilang mga nasasakupan; kilala nila kung sinu-sino ang mga nandarayuhan at bumibisita lamang sa mga barangay.
Ang napipintong Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ang pinakamagandang pagkakataon upang salain ang mga katangian at kredibilidad ng mga kandidato; upang tiyakin kung sila ay pinakikilos ng drug money; higit sa lahat, kung sila ay mga sugapa at nakayakap sa iba pang bisyo.
Kaakibat nito ang total cleansing sa hanay ng mga alagad ng batas, lalo na ang mga pulis na nagbibigay ng batik sa huwaran at kanais-nais na paglilingkod. Ang itinuturing na mga bad eggs sa alinmang organisasyon ay marapat sibakin kaagad.
Sa gayon, lalong magiging makabuluhan ang magkakatuwang na pagpuksa sa mga diyablo ng komunidad o evils of society.