Ni Jean Fernando

Patay ang isang Chinese sa pulis na tinangka niyang atakehin matapos siyang pigilan ng mga ito na saksakin ang kanyang nobya sa Parañaque City, nitong Miyerkules ng hapon.

Kinilala ni Sr. Supt. Victor Rosete, hepe ng pulisya, ang suspek na si Liang Lin Do. Siya ay nagtamo ng isang tama ng bala sa mukha at patay na nang isugod sa Ospital ng Parañaque.

Kinilala naman ang biktima na si Zhao Xue Lilin, Chinese, na nagtamo ng tatlong saksak sa leeg at katawan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ayon kay Rosete, nasa ligtas nang kalagayan ang biktima sa nasabi ring ospital.

Lumalabas sa imbestigasyon na naganap ang insidente sa Puyat Compound, Barangay Tambo, Parañaque City, badang 12:00 ng tanghali.

Sinabi ni Rosete na base sa ulat na isinumite sa kanya, nagtatalo ang dalawa matapos makita ng suspek ang kanyang nobya kasama ang ibang lalaki.

Ayon sa hepe, sa kasagsagan ng pagtatalo, tatlong beses sinaksak ng suspek ang biktima dahilan upang magpasaklolo sa pulis ang mga tambay.

Nagmamakaawa ang biktima nang maabutan ni PO3 Danilo Bautista, nakatalaga sa Police Community Precinct -2, na rumesponde matapos makatanggap ng tawag sa nangyayaring saksakan, sa suspek.

Sinabi ni Rosete na sinubukan ni Bautista na pigilan ang suspek sa pag-atake sa biktima ngunit maging ito ay inatake dahilan upang barilin nito ang suspek sa mukha.