Nina DANNY J. ESTACIO at NONOY E. LACSON, ulat ni Rommel P. Tabbad

Apat na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay at isang sundalo ang nasugatan sa magkakahiwalay na engkuwentro sa militar sa Quezon province at Misamis Oriental nitong Linggo ng Pagkabuhay, habang lima pang rebelde ang sumuko naman sa Sultan Kudarat.

Sa report ng 201st Infantry Brigade ng Philippine Army (PA) sa Southern Luzon Command (SolCom), hindi pa rin nakikilala ng militar ang dalawang nasawing rebelde makaraang makasagupa ang 85th Infantry Battalion sa Barangay San Andres, Lopez, Quezon, kahapon ng umaga.

Narekober din ng militar ang isang M167 sniper rifle na may scope, isang AK47, rifle grenade, communication equipment, mga personal na kagamitan at mga subersibong dokumento.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

NAPATAY

Tinutugis pa rin ng militar ang rebeldeng grupo na umatras matapos mapatay ang dalawa nilang kasamahan.

Hindi pa tinutukoy ng militar ang pagkakakilanlan ng nasugatang sundalo na kasalukuyan pang ginagamot.

Dalawa pang rebelde ang napatay ng militar nang makipagbakbakan ang mga ito sa mga tauhan ng 403rd Infantry Brigade sa liblib na hangganan ng Misamis Oriental at Bukidnon nitong Biyernes Santo at Sabado de Gloria.

Binanggit ni Civil Military Operations officer Capt. Norman Tagros, ng 403rd Brigade, na nagkaroon ng tatlong magkakahiwalay na sagupaan ang kanilang tropa at ang NPA sa Bgy. Minalwang, Claveria sa Misamis Oriental.

“Successive clashes resulted to the seizure of terrorists' encampment in Minalwang area,” anang militar.

SUMUKO

Samantala, kinumpirma ni Armed Forces of the Philippines, Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) Spokesman Army Capt. Jo-Ann Petinglay ang pagsuko ng limang rebelde sa Bgy. Keytodac sa Lebak, Sultan Kudarat.

Ayon kay Petinglay, ang mga sumuko ay kaanib ng Guerilla Front 73, at suportado ni Lebak Mayor Deonesio Besana at ng ilang Manobo leader.

Kinilala ang mga apat sa sumuko na sina Ariel Udas Apang, 29; Iyoy Lebeg Nayam, 31; Nicanor Nayam Apang, 38; Ariel Matog Apang, 36, mga residente ng Bgy. Keytodak, Lebak at Bgy. Sabanal sa Kalamansig.

NANUNOG

Kasabay nito, sinunog ng NPA ang limang heavy equipment sa Davao City, kahapon ng madaling-araw.

Sa report ng Davao City Police, dakong 12:36 ng umaga nang makatanggap sila ng impormasyon mula kay Maridol Gumahin, chairman ng Bgy. Callawa, Davao City kaugnay ng insidente.

Tinukoy ng pulisya na kabilang sa sinunog ng NPA ang apat na dump truck, at isang back hoe ng Leonard Trucking Services (LTS).

Naiulat pa ng pulisya na nangyari ang panununog ilang oras matapos salakayin ng mga rebelde ang dalawang lugar sa siyudad, ang Purok 4 sa Sitio Suadan at Purok 14 sa Sitio Quarry nitong Sabado ng gabi.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente, na posible umanong may kinalaman sa extortion activities ng NPA.