Ni Orly L. Barcala

Isang empleyado ng bangko ang binaril at napatay ng nag-iisang salarin sa Valenzuela City, nitong Linggo ng gabi.

Dead on the spot si Riverdale Villamartin, 25, binata, ng Barangay Balubaran, Malinta, sanhi ng tinamong tama ng bala sa tiyan buhat sa hindi pa tukoy na kalibre ng baril.

Sa imbestigasyon ni Senior Insp. Jose R. Hizon, nangyari ang pananambang sa kahabaan ng Donesa Street sa Bgy. Balubaran, Malinta, dakong 11:45 ng gabi.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Naglalakad umano ang biktima nang biglang harangin at barilin ng hindi kilalang lalaki bago tumakas sa hindi batid na direksiyon.

Ayon kay Senior Insp. Hizon, walang criminal record ang biktima at hindi rin kabilang sa drugs watch list ng pulisya at barangay.

Hawak na ng awtoridad ang kopya ng CCTV sa lugar na posibleng nakunan ang pamamaslang ng suspek sa biktima.

Patuloy na inaalam ng mga pulis ang motibo sa nasabing pamamaril.