Ni Celo Lagmay

WALANG alinlangan na ang inagurasyon ng mga One-Stop Service Center for Overseas Filipino Workers (OSSCOs) sa iba’t ibang panig ng bansa ay maliwanag na katuparan sa utos ni Pangulong Duterte. Kaugnay ito ng kanyang masidhing hangarin na magabayan ang ating mga manggagawa na itinuturing na mga “buhay na bayani”. Naniniwala ako na nais niyang maginhawahan ang mga mamamayan, lalo na ang OFWs sa preparasyon ng mga papeles na kailangan nila sa pagtatrabaho sa ibang bansa; masyadong ikinagagalit ng Pangulo ang pagpila ng sinuman sa dinudulugan nilang mga tanggapan.

Sa kabilang dako, ang inagurasyon kamakailan ng OSSCOs sa Palayan City sa Nueva Ecija ay katuparan naman ng mga pangarap hindi lamang ng mga kapuwa natin Novo Ecijano, kundi maging ng ating mga kababayan sa kanugnog na bayan at lalawigan. Malaking kaluwagan at kaginhawahan ito sa sambayanan, lalo na nga sa ating mga kababayang OFWs -- mga manggagawa na laging nakatutulong nang malaki sa pagpapaangat ng ekonomiya ng bansa.

Ang baging OSSCOs, na pinasinayaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ay matatagpuan sa Palayan City Business Hub -- isang proyekto na sinasabing magkatuwang na ipinatayo ng pamunuan ng lalawigan at ng naturang siyudad. Matatagpuan sa iisang bubong, wika nga, ang mga ahensiya ng gobyerno na may kanya-kanyang kinatawan na tutugon sa pangangailangan ng sinuman. Sa gayon, hindi na natin kailangang magtungo pa sa mga regional offices at maging sa Maynila sa paghahanda ng nais nating mga papeles; maiiwasan ang pagod at malaking gastos sa pagbibiyahe.

Isipin na halos lahat ng tanggapan ng pamahalaan ay may mga satellite office sa OSSCOs, tulad ng Department of Labor and Employment (DoLE) Region 3, Bureau of Immigration (BI), TESDA, Professional Regulation Commission, Bureau of Internal Revenue, National Bureau of Investigation, at iba pa. Halos abot-kamay na lamang ang serbisyo na matatamo natin sa lahat ng pagkakataon.

Sa bahaging ito, marapat lamang panabikan ang katuparan naman ng kahilingan ni Nueva Ecija Governor Czarina D. Umali sa Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa paglalagay ng satellite office sa naturang One-Stop. Totoo na ito ang magiging epektibong kaagapay ng nasabing mga tanggapan sa lalong mabilis na preparasyon ng kailangang mga papeles.

Sa kanyang dagdag na kahilingan, binigyang-diin ng Gobernador na sana ay magkaroon ng DFA satellite office para maasikaso ang mga pasaporte ng mga OFWs at ng iba pa nating mga kababayan na hindi kailangang magtungo sa mga regional offices at sa iba pang tanggapan sa Maynila.

Sa anu’t anuman, ang naturang kahilingan -- at iba pang programa -- ay naglalayong mailapit ang pamahalaan sa mismong kinaroroonan ng ating mga kababayan.