Ni Mary Ann Santiago

Bumulagta at agad binawian ng buhay ang isang construction worker makaraang bistayin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.

Walong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tumapos sa buhay ni Junnel Martinez, 19, ng Barangay Palatiw ng nasabing lungsod.

Sa inisyal na ulat ng Pasig City Police, naganap ang pamamaril sa Villa Evangelista Compound sa Bgy. Palatiw, dakong 5:00 ng madaling araw.

National

Lotto winner sa Laguna na 30 years nang tumataya, kumubra ng ₱70M premyo sa PCSO

Naglalakad lang umano ang biktima nang sumulpot ang mga armadong suspek at pinaulanan ng bala si Martinez.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi batid na direksiyon.

Tinangka pang isugod sa ospital ang biktima, ngunit hindi na ito umabot nang buhay.

Patuloy na sinisiyasat ang motibo sa insidente.