May 22, 2026

Home BALITA National

'May mataas na posibilidad!' PAGASA, nagbabala sa banta ng El Niño sa bansa

'May mataas na posibilidad!' PAGASA, nagbabala sa banta ng El Niño sa bansa

Naglabas ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng “El Niño Watch” bilang paghahanda sa posibleng epekto ng paparating na dry season ngayong 2026.

Sa isang press conference nitong Miyerkules, Marso 25, 2026, sinabi ni PAGASA Deputy Administrator for Administration and Engineering Services Shirley David na ibinase ang desisyon sa tumataas na posibilidad ng pagbuo ng El Niño sa pagitan ng Hulyo hanggang Setyembre 2026.

“Ito ay isang early advisory na nagsasabing may mataas na posibilidad na mabuo ito sa mga susunod na buwan. In short po, this is our lead time for preparedness,” ani David.

Nauna nang idineklara ng PAGASA ang pagtatapos ng La Niña noong Marso 9, at kasalukuyang nasa tinatawag na “El Niño Southern Oscillation (ENSO)” ang bansa.

Ipinapaliwanag ng PAGASA na inilalabas ang “El Niño Watch” kapag pumapabor ang kondisyon para sa pagbuo nito, na may 55% posibilidad na mabuo sa loob ng susunod na anim na buwan.

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

Sa kasalukuyan, nasa 62% ang tsansa ng pagbuo ng El Niño sa mga buwan ng Hunyo, Hulyo, at Agosto, at may hindi bababa sa 83% na posibilidad na magpatuloy ito hanggang sa katapusan ng 2026.

Ayon pa sa ahensya, karaniwang nagdudulot ang El Niño ng mas mababa sa normal na pag-ulan na maaaring magresulta sa dry spells at tagtuyot sa ilang lugar.

Pinayuhan ng PAGASA ang publiko na maghanda sa posibleng mahina hanggang katamtamang lakas ng El Niño bago ito tuluyang maramdaman.

Dagdag ng weather bureau, madalas naaapektuhan ng El Niño ang sektor ng agrikultura, tubig, enerhiya, at kalusugan sa bansa.

Ayon kay PAGASA weather services chief Thelma Cinco, “It's too early to say… Ito yung mga naranasan natin na ma-epekto sa ating bansa in the past events na mayroon tayong El Niño. Maganda sana na wala pa man ay... paghandaan ang posibleng epekto nitong El Niño,” aniya.