Nakiisa si Vice President Sara Duterte sa paggunita ng National Rabies Awareness Month ngayong buwan ng Marso.
Ayon sa inupload na video statement ni VP Sara sa kaniyang Facebook page nitong Miyerkules, Marso 25, 2026, sinabi niyang isang mapanganib na banta sa kalusugan ng bawat indibidwal ang maaaring idulot ng rabies na magmumula sa kagat ng mga alagang hayop.
“Ang rabies ay isang malubhang banta sa kalusugan, ngunit ito ay maaari nating maiwasan at masugpo,” pagsisimula niya.
Diin pa niya, “Ang kaligtasan ng ating pamilya ay nagsisimula sa ating mga sariling bakuran.”
Dahil dito, nagawang hikayatin ni VP Sara ang publiko na pabakunahan ang kanilang mga alagang hayop at samantalahin ang libreng vaccination drive sa lokal na mga barangay at Veterinary office.
“Una, pabakunahan ang inyong mga alagang hayop. Samantalahin ang mga libreng vaccination drive sa inyong mga barangay at sa inyong mga lokal na Veterinary Office,” mungkahi niya.
Paliwanag niya, “Ang bakuna ang pinakamabisang pananggalang natin laban sa rabies.”
Ani VP Sara, dapat daw na maging responsableng owner ng kanilang mga alagang hayop ang publiko at huwag umanong hahayaang makagala ang mga alaga nila sa kalsada upang hindi makakagat sa iba o magsanhi ng aksidente.
“Pangalawa, maging responsableng pet owner. Huwag hayaang gumala ang inyong mga alaga sa labas ng bahay o sa kalsada upang maiwasan ang hindi inaasahang kagat at aksidente,” ‘ika niya.
Aniya pa, marapat daw na humingi agad ng tulong medikal ang mga indibidwal na aksidenteng makakagat ng mga alagang hayop at huwag mahiyang lumapit sa Animal Bite Treatment Center upang malapatan ng wastong lunas.
“Pangatlo, humingi agad ng tulong medikal kung kayo ay nakagat. Huwag mag-atubiling pumunta agad sa pinakamalapit na Animal Bite Treatment Center para sa tamang lunas,” saad niya.
“Sa pagiging mapagmatyag at responsable, pinoprotektahan natin hindi lang ang ating pamilya, kundi ang buong komunidad,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, nagbigay ng mga hakbang bilang pagprotekta laban sa 'rabies'
KAUGNAY NA BALITA: Ang buong Marso bilang Rabies Awareness, Fire Prevention at Women's Month