Nagbabala ang Council for the Welfare of Children (CWC) na karamihan sa mga pagbubuntis ng mga adolescent na babae ay dahil umano sa mga lalaking nasa hustong edad na.
Ayon kay CWC Executive Director Angelo Tapales, bagamat nananatiling pangunahing dahilan ang kahirapan sa maagang pagbubuntis, may mga kaso rin na dulot ito ng pakikipag-ugnayan sa mga nakatatandang lalaki.
“Of course, poverty is the main driver. Maraming nasasadlak sa kahirapan at napupwersang makisama o mag-asawa, magco-habit o fellow minors kaya nabubuntis agad. Pero hindi lang po ito kwestiyon ng kahirapan, poverty, or economic component, mayroon din nakikita ang CWC na child protection complexion,” ani Tapales sa programang “Bagong Pilipinas Ngayon,” noong Lunes, Marso 23, 2026.
Dagdag pa niya, “Kasi majority ng nakakabuntis sa ating mga adolescent mothers ay mga matatandang lalaki, mas matatanda sa kanila, ito ay mga adults na.”
Nauna nang nagpahayag ng pag-aalala ang Commission on Population and Development (CPD) hinggil sa pagtaas ng bilang ng pagbubuntis sa mga babaeng menor de edad.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), umabot sa 138,697 ang live births noong 2024 mula sa mga inang may edad 10 hanggang 19 taong gulang. Sa bilang na ito, 3,612 ang mula sa mga batang wala pang 15 taong gulang—mas mataas kumpara sa 3,343 kaso noong 2023.
Iginiit din ng CWC na ayon sa batas, ang pakikipagtalik sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang ay itinuturing na rape.
“Under sa amendment doon sa rape law natin, kapag nakipagtalik ka sa below 16, since ayan ang age of consent, that’s practically rape po or qualified rape ng bata,” ani Tapales.
Nilagdaan bilang batas noong 2022, itinataas ng Republic Act 11648 ang edad ng sexual consent mula 12 patungong 16 taong gulang.
Gayunman, nakasaad sa batas na walang pananagutang kriminal kung ang age difference ng dalawang partido ay hindi lalampas sa tatlong taon at mapapatunayang “consensual, non-abusive, and non-exploitative” ang relasyon.
Dagdag pa ni Tapales, patuloy ang hakbang ng pamahalaan upang tugunan ang ugat ng problema.
“Ang ginagawa ng pamahalaan diyan, of course, we are addressing the poverty aspect, but of course, we are also creating awareness to prevent and to protect children kasi may child protection complexion din po siya,” aniya.