May 22, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Ano ang recommended sunscreen SPF para maiwasan pagkasunog ng balat sa araw?

ALAMIN: Ano ang recommended sunscreen SPF para maiwasan pagkasunog ng balat sa araw?
Photo courtesy: Pexels

Opisyal nang idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng tag-init sa Pilipinas noong Lunes, Marso 23. 

Ayon pa sa PAGASA, bagama’t makakaranas pa rin ng panaka-nakang ihip ng natitirang amihan ang hilagang bahagi ng Luzon, ang klima ng mga nalalabing parte ng bansa ay inaasahan nang unti-unting pag-init. 

Kaya ipinapayo ng ahensya sa publiko na mag-ingat at ugaliing uminom ng maraming tubig upang maibsan ang posibleng heat stress na maramdaman sa mga susunod pang araw. 

Matatandaan naman mula sa mga nagdaang taon, na nagbaba ng abiso ang ilan pang ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Health (DOH) hinggil sa mga sakit na maaaring tumama sa isang indibidwal sa kasagsagan ng mainit na panahon, tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke. 

Ayon sa DOH, ang heat cramps ay ang pananakit o pamumulikat ng kalamnan, na karaniwang nasa binti at tiyan, ay posibleng maramdaman habang kumikilos sa kalagitnaan ng pagtatrabaho sa gitna ng mainit na panahon. 

Human-Interest

‘Okay ka lang?’ Mga paraan upang ‘mangumusta’ sa kaibigan o katrabaho

Ang heat exhaustion naman ay ang lubhang pagkapagod dala ng pagtatagal sa init at hindi pag-inom ng sapat na tubig. 

Panghuli ay ang heat stroke, na itinuturing na pinakamalubhang sakit tuwing tag-init, na nangangailangan ng agarang atensyong medikal dahil hindi na nakakayanan ng katawan at init na na-absorb nito. 

MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga sintomas ng heat-related illnesses at mga dapat gawin kapag nakaramdam nito

Bukod pa sa mga ito, ang may ilan ding kondisyon sa balat na mas tumataas ang panganib tuwing tag-init, tulad ng skin cancer, sunburn, melasma, sun allergy, at heat rash. 

Proteksyon ng balat laban sa init ng araw

Kaya ayon sa mga pag-aaral, ang sunscreen ay itinuturing na “non-negotiable,” dahil bukod sa komplikasyon ng mga nasabing kondisyon, ang matagal na pagbabad sa ilalim ng araw ay nagdudulot ng mabilis nitong pagkulubot, pagnipis, at pagtanda. 

Ayon sa American Academy of Dermatology Association (AAD), inirerekomenda ang broad-spectrum Sun Protection Factor (SPF) 30 sunscreen dahil nakakatulong ito sa pag-block ng 97% UVB (Ultraviolet B) sun rays, na uri ng ultraviolet rays na nagdudulot ng sunburn at skin cancer. 

Sa dagdag na pag-aaral ng Johns Hopkins Medicine, importanteng ipahid ang sunscreen sa “exposed” na parte ng katawan tulad ng mukha, leeg, mga braso, at binti, bukod pa rito, ipinapayo rin ang reapplication kada dalawang oras, lalo na kung nagpapawis o lumalangoy. 

Bukod sa broad-spectrum, na may kakayahan ding magprotekta sa UVA (Ultraviolet A), na mayroong mas malalim na pagtagos sa balat at responsable sa wrinkle formation o photoaging, inirerekomenda ng Philippine Dermatological Society (PDS) na kung pawisin o kaya’y ilalagay sa basang balat mula sa paglangoy, pumili rin ng sunscreen na “water-resistant” upang mas magtagal ito sa balat bago ang reapplication.

Anila, ang “water  resistant” sunscreen ay kadalasang tumatagal ng hanggang 40 minuto sa basang balat, habang ang “very water resistant” naman ay hanggang 80 minuto. 

Iba pang tips sa paglalagay ng sunscreen sa balat 

Saad pa ng PDS, importante pa ring magpahid ng sunscreen kahit na maulap ang panahon dahil 80% ng UV radiation ay umaabot pa rin sa kalangitan. 

Mahalaga ring maglagay ng sunscreen sa iba pang parte ng katawan tulad ng tainga at paa, gayundin ang paggamit ng lip balm o lipstick na mayroong SPF 30 upang maprotektahan din ang labi.