Warriors, inokray si Trump; 14-0 winning run sa Rockets

WASHINGTON (AP) — Walang naganap na pagbisita kay President Donald Trump sa White House. Mas pinili ng Golden State Warriors na makihalubilo sa mga estudyante mula sa Seat Pleasant, Maryland – ang hometown ni Kevin Durant – at mamasyal sa National Museum of African American History and Culture.

nba copy

Binali ng Warriors ang nakagisnang tradisyon na pagbisita ng NBA defending champion sa sandaling pagtuntong sa Washington. Ngunit, nanindigan sila sa kanilang pasya.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“No. Not at all,” pahayag ni Durant patungkol sa tanong kung nanghinayang siya sa pagkakataong makadaupang-palad si Trump.

“Rhetoric and hate and just general disdain from the top, trying to be divisive and whatnot, has had the opposite reaction from what it intended,” pahayag naman ni Stephen Curry.

Sa court, nanindigan din ang Warriors sa matikas na ratsada sa third period para pasukuin ang matikas na Washington Wizards, 109-101, nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Hataw si Durant sa naiskor na 32 puntos, kumana si Curry ng 25 puntos at nalimitahan ng depensa ni Klay Thompson sa walong puntos si Bradley Beal para sa ikapitong panalo sa huling walong laro.

Kumubra si Thompson ng 13 puntos at humakot si Draymond Green ng 11 puntos at 11 assists.

Nanguna si Otto Porter Jr. sa Washington na naiskor na 29 punto at 10 rebounds, habang kumana si Kelly Oubre Jr.ng 17 puntos mual sa 4-of-16 shooting.

Sumabak ang Wizards na wala si All-Star point guard John Wall, na-bench sa ika-14 na sunod na laro bunsod ng surgery sa kaliwang tuhod.

ROCKETS 105, CLIPPERS 92

Sa Los Angeles, nadomina ng Houston Rockets, sa pangunguna ni James Harden na umiskor ng 25 puntos, ang Los Angeles Clippers para mahila angf winning streak sa 14 at patatagin ang kapit sa No.1 sa Western Conference.

Napantayan ng Rockets (48-13) ang longest winning streak ngayong season at may kalahitng larong bentahe sa Golden State sa team standings.

Humirit din sina Clint Capela at Eric Gordon sa naiskor na tig-22 puntos sa Rockets na tumipa ng 13 three-pointers.

Nanguna si Tobias Harris sa Clippers na may 24 puntos, habang kumana si Montrezl Harrell ng 22 puntos. Nagtumpok ng tig-13 puntos sina Lou Williams at Milos Teodosic.

CELTICS 134, HORNETS 106

Sa Boston, nagsalansan si Kyrie Irving ng 34 puntos sa loob ng tatlong quarters at hindi na naglaro sa final period sa panalo ng Celtics kontra Charlotte Hornets.

Nag-ambag si Aron Baynes ng 12 puntos at 10 rebounds, habang kumubra si Jaylen Brown ng 15 puntos, at tumipa sina Terry Rozier at Greg Monroe ng tig-14 puntos.

Nanguna si Kemba Walker sa Charlotte na may 23 puntos at humugot si Dwight Howard ng 21 puntos sa Hornets.

PELICANS 121, SPURS 116

Sa San Antonio, bumalikwas ang New Orleans, sa pangunguna ni Anthony Davis na may 26 puntos at 15 rebounds, sa krusyal na sandali para daigin ang Spurs.

Nakopo ng New Orleans ang ikapitong sunod na panalo na wala si All-Stars Demarcus Cousins sa injury.

Kumasa sina Jrue Holiday na may 25 puntos at si Rajon Rondo na may 13 puntos at 12 assists para sa Pelicans.

Sa iba pang laro, pinulbos ng Toronto Raptors ang Orlando Magic sa pangunguna nina DeMar DeRozan na may 16 puntos at 11 assists; hataw si Andre Drummond na may 15 puntos at 16 rebounds sa panalo ng Detroit Pistons kontra Milwaukee Bucks; pinadapa ng Phoenix Suns ang Memphis Grizzlies, 110-102; tinalo ng Oklahoma City Thunder ang Dallas Mavericks, 111-110; dinagit ng Atlanta Hawks ang Indiana Pacers, 107-102.