Ni Mary Ann Santiago 

Binalaan kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III ang publiko hinggil sa posibilidad na magkaroon ng outbreak ng iba’t ibang karamdaman sa bansa, dahil sa takot ng publiko na magpabakuna kaugnay ng Dengvaxia controversy.

Sa Kapihan sa Manila Bay news forum, inihayag ni Duque na bumaba ang vaccination coverage rates sa bansa simula nang pumutok ang isyu sa Dengvaxia.

Ibinunyag din niyang may measles outbreak ngayon sa Davao City, Zamboanga City, at Region 3.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“That’s not a remote possibility; I think that can happen which... I hope doesn’t happen,” lahad ng kalihim, nang matanong kung nangangamba ba siyang magkakaroon ng malawakang disease outbreaks.

Sinabi ni Duque na batay sa report ng Department of Health (DoH)-Region 11, isa sa mga dahilan kung bakit ayaw na ng mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak ay dahil sa matinding takot kaugnay ng isyu sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia.

Nangangamba rin umano siya na maaaring hindi lamang tigdas ang kumalat, kundi pati na ang iba pang mga sakit na maaari namang maiwasan, tulad ng rabies at polio.

Muli namang hinikayat ng kalihim ang publiko na huwag matakot na magpabakuna—dahil ang mga bakunang dati nang ginamit ay napatunayan nang epektibo—upang makaiwas sa mga karamdamang nakamamatay.