‘Peping’, olats kay Vargas sa POC; MVP, nag-donate agad ng P20M
Ni ANNIE ABAD
NATULDUKAN na ang liderato ni Jose ‘Peping’ Cojuangco sa Philippine Olympic Committee (POC). At simula na para muling pagbuklurin ang hiwa-hiwalay na pananaw ng mga sports officials para mapaglingkuran ang bayan at ang mga atletang matagal nang nasadlak sa dusa.
“This is for the athletes. This is for Philippine sports to succeed. This is for Philippine sports to be one again.
Long live Philippine sports,” deklarasyon ni Ricky Vargas,pangulo ng Association of Boxing Alliance in the Philippines (ABAP) .
Naluklok bilang bagong POC president ang 65-anyos na si Vargas matapos makuha ang 24-15 boto sa ginanap na election sa Olympic body -- batay sa kautusan ng Pasig Regional Trial Court – kahapon sa Wack Wack function room sa Mandaluyong City.
Nagbunyi ang mga tagasuporta ni Vargas nang pormal na ideklarang panalo ng POC Comelec na pinamumunuan ni dating Philippine representative to the IOC Frank Elizalde.
Kaagad naman lumisan si Cojuangco, kasama ang anak na si Asian Games equestrienne gold medalist Mikee Cojuangco, nang makamit ang winning votes ni Vargas.
Sa kabila nito, kagyat na iniabot ni Vargas ang kamay para sa pagkakaisa sa Olympic body.
“Iisa lang naman ang aming layunin, mapalago ang sports at maitaas ang antas ng kalidad ng ating mga atleta. Magkaiba lang siguro ang approach but in the end the POC is here for the welfare of the athletes. Ito po ang gagawin natin,” pahayag ni Vargas.
At bilang suporta sa hangarin ni Vargas, kaagad na ipinahayag ni Manny V.Pangilinan, chairman emeritus ng Samahang Basketball ng Pilipinas, at ‘Godfather’ ng walong sports, kabilang na ang boxing, ang pagbibigay ng P20 milyon bilang ‘seed money’.
Nahalal din bilang Chairman si Philippine Cycling Federation (Philcycling) president Rep. Bambol Tolentino laban kay table tennis chief Ting Ledesma, 23-15.
Iginiit ni Vargas na prioridad niya na maisaayos ang pamunuan ng mga national sports association (NSA) upang hindi maapektuhan ang pagsasanay ng mga atletang Pinoy.
Kabilang sa mga sports association na naghihintay ng ‘review’ kay Vargas ang Philippine Volleyball Federation (PVF) gayundin ang problema ng korapsyon sa Philippine Karate-do Asociation (PKF).
Matatandaang sa maniobra ni Cojuangco, nabuo ang Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. na pinamumunuan ni POC vice president Jose Romasanta at kagyat na pinalitan ang PVF sa kabila ng kawalan ng desisyon mula sa POC General Assembly.
Sa kasalukuyan, ang PVF pa rin ang kinikilala ng International Volleyball Federation (FIVB), habang dinidinig ng Federasyon ang isyu. Nasa pangangasiwa naman ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga miyembro ng karate matapos mabulgar ang korapsyon ni PKF secretary general Raymond Lee-Reyes. Nagsampa na ng kasong criminal ang PSC laban sa mga opisyal ng PKF batay na rin sa rekomendasyon ng National Burea of Investigation (NBI).
Si Vargas ang ika-10 pangulo ng POC mula noong 1975. Unang namuno sa Olympic body si dating Senator Ambrocio Padilla (1975-1976), Nereo Andolong (1977-1980), Julian Malonso (1980), Michael Keon (1981-1984), Jose Sering (1985-1992), Rene Cruz(1993-1996), Cristy Ramos (1997- April 1999), Celso Dayrit (May 1999-2004), (Cojuangco, 2004-2018).