Ni Gilbert Espeña

MULING magbabalik aksiyon si dating IBO light flyweight champion Rey Loreto sa pagsabak kay dating WBF Asia Pacific junior flyweight titlist Arnold Garde ngayong gabi sa Gaisano City Mall, Bacolod City, Negros Occidental.

Unang laban ito ni Loreto matapos maging mandatory challenger at matalo sa puntos kay WBA minimumweight champion Thammanoon Niyomtrong noong Hulyo 15 sa Chonburi, Thailand.

Nakalista pa rin si Loreto sa world rankings bilang No. 6 contender kay Niyomtrong at No. 11 ranked kay WBC junior flyweight titlist Ken Shiro ng Japan na maari niyang hamunin sa hinaharap.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Bagama’t may masamang rekord na 23 panalo, 14 na talo na may 15 pagwawagi sa knockouts, sumikat si Loreto nang pabagsakin sa 4th round bago nagwagi via 10th round technical decision laban kay dating WBA light flyweight champion Pornsawan Porpramook noong Agosto 23, 2013 sa Bangkok, Thailand para matamo ang interim PABA light flyweight crown.

Nasundan pa ito nang patulugin niya sa 3rd round si South African Nkosinathi Joyi para maiuwi ang bakanteng IBO light flyweight belt noong Pebrero 1, 2014 sa Monte Carlo, Morocco. Sa kanilang rematch noong Marso 22, 2015, pinatulog sa 1st round ni Loreto si Joyi sa harap ng mga kababayan nito sa Mdantsane, South Africa.

Tiyak na aangat sa world rankings si Loreto kung magiging impresibo ang kanyang panalo kay Garde na may 8-5-3 marka tampok ang tatlong panalo sa knockouts.

Sa iba pang laban, muling sasampa sa lonang parisukat si dating WBC at Ring Magazine flyweight champion Sonny Boy Jaro laban kay dating WBC Asian Boxing Council Continental minimumweight at Philippine flyweight champion Donny Mabao.