Ni Leonel M. Abasola at Hannah L. Torregoza
Ipinaaaresto ng Senado si dating Commission on Election (Comelec) Chairman Andres “Andy” Bautista matapos itong sampahan ng contempt charges dahil sa patuloy na hindi pagdalo sa mga pagdinig.
Ayon kay Senador Francis Escudero, chairperson ng Senate committee on financial institutions and currencies, ito na ang ikaapat na beses na tumanggi si Bautista na dumalo sa kanilang pagdinig.
“Taliwas ito sa pahayag niya na haharapin niya ang ano mang alegasyon laban sa kanya sa ano mang forum. Ito na ang oras ng pagtutuos at hindi siya matagpuan kahit saan,” sabi ni Escudero.
Aniya, anumang oras na dumating si Bautista sa bansa ay aarestuhin ito.
Katwiran naman ni Bautista, Nobyembre 21, 2017 pa siya wala sa bansa, bagamat wala naman umanong ulat dito ang Bureau of Immigraton (BI).
Sinabi pa ni Escudero na batay sa ulat ng BI, umalis si Bautista noong Oktubre at nakabalik na sa bansa nitong Nobyembre 1, pero walang ulat na umalis ito noong Nobyembre 21.
Sa liham ni Bautista, iginiit niyang wala siyang natatanggap na subpoena dahil nga wala siya sa bansa simula noong Nobyembre 21 “to explore professional opportunities abroad, and more importantly, seek assistance for certain medical challenges.”
“I understand from news reports that a subpoena has been issued because of my non-appearance in the hearing,” saad pa sa liham ni Bautista. “In this regard, I respectfully ask that the subpoena be recalled since I never received the invitation.”
Dahil dito, hinimok ni Escudero si Bautista na lagdaan na lamang ang “bank waiver” para masilip ang mga bank transaction ng dating Comelec chief.
Nagpahayag naman ng pangamba ang kampo ng dating misis ni Bautista na si Patricia na posibleng hindi na bumalik pa sa bansa ang dating Comelec chief.
“The warrant of arrest is a welcome development but I think he knows the consequence that if he comes here, there will be probable cause for plunder charges and that would be non-bailable, which leaves us to be concerned he might not come back,” sabi ni Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Patricia.
Matatandaang mismong ang dating asawa ang nagbunyag sa umano’y mga katiwalian ni Bautista simula nang maglingkod sa gobyerno, na nagbunsod upang magbitiw sa tungkulin ang dating Comelec chairman.