Nine-game winning streak sa Jazz; Cavs at Rockets, umarya

Utah Jazz guard Donovan Mitchell  (AP Photo/Rick Bowmer)
Utah Jazz guard Donovan Mitchell (AP Photo/Rick Bowmer)
PORTLAND, Oregon (AP) — Mistulang rock and roll ang Jazz sa harurot para sa nine-game winning streak – pinakamahaba sa prangkisa mula noong 2010.

Sa pangunguna ni rookie Donovan Mitchell na kumabig ng 27 puntos, at sa ayuda ng bagong recruit na si Jae Crowder, nanatiling mainit ang Utah Jazz sa 115-96 dominasyon sa Portland Trail Blazers nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Kumana si Crowder ng 15 puntos sa kanyang debut bilang Jazz, habang tumipa si Joe Ingles ng 24 puntos.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Matapos umiskor ng 50 puntos sa laro laban sa Sacramento nitong Biyernes, nagsalansan si Damian Lillard ng 39 puntos, ngunit hindi ito sapat para matuldukan ang 9-0 home game record ng Blazers.

Matapos maghabol sa first half, naagaw ng Jazz ang tempo ng laro at nahila ang bentahe sa 89-65 mula sa three-pointer ni Jonas Jerebko sa kaagahan ng final period.

Umabot sa 20 puntos ang bentahe ng Jazz bago naibaba sa 100-88 mula sa layup ni CJ McCollum may 2:37 ang naalabi.

CAVS 121, CELTICS 99

Sa Boston, nahaluhan ng lungkot ang masayang pagdiriwang sa jersey retirement ni Paul Pierce sa Garden, nang mag-debut bilang Cavalier si Jordan Clarkson at nagtumpok ng 17 puntos sa panalo laban sa Celtics.

Nakuha mula sa Lakers bunsod ng three-team trade, nagpamalas ng kahandaan ang Fil-Am guard sa kanyang bagong koponan.

Hataw din si LeBron James ng 24 puntos, 10 assists at dalawang rebounds para sa ikatlong sunod na panalo ng Cavaliers.

Kumabig din si Rodney Hood, isa pang bagong player mula sa Utah Jazz, ng 15 puntos para sandigan ang Cavaliers sa 33-22 karta.

Nanguna si Terry Rozier sa Celtics na may 21 puntos, habang kumana sina Kyrie Irving ng 18 puntos at Marcus Morris na may 17 puntos.

“I know the guys that are here are very excited about this opportunity,” pahayag ni James. “It’s my job to as the leader of this team to make sure that I acclimate the new four guys to be around a culture that’s built around winning.”

THUNDER 110, GRIZZLIES 92

Sa Oklahoma City, pinatunayan ni Paul George, umiskor ng 33 puntos, na kaya niyang dalhin sa panalo ang Thunder nang gapiin ang Memphis Grizzlies.

Hindi nakalaro sa Thunder sina All-Star Russell Westbrook at Carmelo Anthony bunsod ng minor injury.

Nag-ambag sina Alex Abrines sa naiskor na 16 puntos at Raymond Felton, Jerami Grant at Patrick Patterson sa Thunder na may tig-14 puntos.

Nanguna si Marc Gasol sa Grizzlies na may 18 puntos.

ROCKETS 104, MAVS 97

Sa Houston, tuloy ang ratsada ng Rockets sa walong sunod na panalo nang pabagsakin ang Dallas Mavericks.

Kumubra si James Harden ng 27 puntos at tumipa si Chris Paul ng 25 puntos para sa ika-12 panalo sa huling 13 laro.

Sa iba pang laro, nilapa ng Minnesota Timberwolves ang Sacramento Kings, 111-106; ginapi ng Indiana Pacers ang New York Knicks, 121-113; dinagit ng Atlanta Hawks ang Detroit Pistons, 118-115; tinalo ng Toronto Raptors ang Charlotte Hornets, 123-103.