Ni Celo Lagmay
MINSAN ko nang narinig ang walang kagatul-gatol na pahiwatig hinggil sa paglilinis ng mga barangay sa buong kapuluan.
Ibig sabihin, pupuksain ang ipinagbabawal na mga droga, aalisin ang mga sagabal sa mga kalsada na tulad ng mga nakaparadang mga sasakyan, mga talyer at tindahan sa mga sidewalk. Higit sa lahat, didisplinahin ang mga tiwaling opisyal ng barangay na hindi karapat-dapat sa matapat at marangal na paglilingkod sa sambayanan, tulad ng mga lasenggo at sugarol na sinasabing paminsan-minsang nagsusugal sa mga casino.
Sa isang pakikipanayam sa radyo, ikinagulat ko ang tahasang pahayag ni Undersecretary Martin Diño ng Department of Interior and Local Government (DILG): Mistulang bubunuin niya, wika nga, ang nabanggit na nakadidismayang mga eksena na laging nagbibigay ng batik sa mga barangay. Sa tandisang paliwanag, ibabalik niya ang ningning ng mga barangay na huwaran sa matapat na pagseserbisyo at walang bahid ng pulitika o non-political. Nangangahulugan ba na ang naturang mga barangay – ang itinuturing na pinakamaliit na sangay ng gobyerno – ay masyado nang nakukulapulan ngayon ng mga katiwalian at kawalan ng kapuri-puring pagtupad sa misyon ng mga opisyal nito?
Totoo na hindi miminsang nasaksihan natin ang mga pagtatangka na linisin ang mga barangay, lalo na sa larangan ng paglipol sa users, pushers at druglords; sinasabi na ang 92 porsyento ng mga barangay sa buong bansa ay talamak sa droga. Nakalulungkot na ang nakapanggagalaiting problemang ito ay hindi pa ganap na nalulutas ng administrasyon, sa pamamagitan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at iba pa. Hindi ba mistulang inutil ang nasabing mga ahensiya sa kabila ng puwersa at kapangyarihang taglay nila?
Tinangka na ring panghimasukan ng ating mga police agency ang pag-aalis ng mga naghambalang na mga sasakyan sa mga barangay bilang bahagi ng solusyon sa nakabuburyong problema sa trapiko. Mismong ang PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang namuno sa gayong mapangahas na misyon subalit hanggang ngayon, nagpipista pa ang mga motorista sa pagparada sa mga bawal na lugar. Ganito rin ang tinangka subalit nabigong hakbang na isinulong naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Dahil sa gayong mga kabiguan, matindi ang naging utos ni Pangulong Duterte: Ihabla ang mga opisyal ng barangay na hadlang sa pagpapaluwag ng trapiko.
Ang lahat ng mistulang mga kabiguang ito ang tatangkain namang pagtagumpayan ni Usec. Diño sa kanyang hangaring maibalik ang ningning ng mga barangay.