Ni Beth Camia, Genalyn Kabiling, at Leslie Ann Aquino

Matapos ulanin ng batikos at maging kontrobersiyal, nagpasya si Presidential Communications Office Assistant Secretary Mocha Uson na isauli sa UST Alumni Association, Inc. (USTAAI) ang iginawad sa kanyang Thomasian Award for Government Service.

Sa kanyang Twitter at Facebook page, sinabi ni Uson na kahit sinabi ng USTAAI na wala itong balak na bawiin ang award ay nagdesisyon na siyang ibalik na lang ito.

“Hindi nila babawiin ‘yung award, pero sinabi ko ibabalik ko pa rin, dahil nga po sobra na ang pambu-bully ng ilang Thomasians kay Sir Henry Tenedero na wala namang ginagawang kasalanan,” sabi ni Uson sa panayam sa Manila airport.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Si Tenedero ang nagbitiw na presidente ng USTAAI.

“Ibinalik ko para tumigil na sila. Ako na lang i-bully ninyo, ako na lang murahin ninyo. Huwag na lang si Henry Tenedero,” dagdag niya.

Iginawad kamakailan ng UST Alumni Association ang award kay Uson at sa iba pang government officials, na nagtapos sa UST.

Napag-alaman na ang award ay nagsisilbing hamon sa mga pinarangalan na ipamalas ang kaugaliang Thomasian habang naglilingkod sa bayan.

Gayunman, binatikos ng ilang grupo, kabilang ang UST Student Council, ang pagpaparangal kay Uson, at sinabing hindi niya deserve ang pagkilala dahil sa umano’y pagkakalat ng kalihim ng maling balita.

Pinuri naman ni Tenedero ang ginawa ni Uson.

“This is indeed a great act of humility and magnanimity on the part of Asec. Mocha,” sabi ni Tenedero sa isang pahayag.

Ang pahayag ni Tenedero ay nakapaloob sa litrato ng pagtanggap nina USTAAI Chairman Emeritus Dr. Robert Sy at Board Adviser Atty. Jack Castaneda ang parangal na una nang ipinagkaloob ng asosasyon kay Uson.