Ni Celo Lagmay

NAKAKAKULILI na, wika nga, ang kaliwa’t kanang pagbabangayan sa iba’t ibang sangay ng ating gobyerno; patutsadahan hindi lamang ng karaniwang mga kawani ng naturang mga ahensiya kundi ng matataas na opisyal na sila pa namang inaasahan nating magpapamalas ng huwarang paglilingkod sa sambayanan.

Isang kabalintunaan ang gayong nakadidismayang parunggitan, lalo na kung iisipin na ang ilan sa mga nagbabangayan ay pare-pareho at halos sabay-sabay na hinirang ni Pangulong Duterte; pawang malapit sa kanyang puso sapagkat ang nagpapatutsadahan ay gumanap ng makabuluhang misyon sa pagkakaluklok niya bilang pangulo ng ating bansa.

Sumiklab kahapon, halimbawa, ang katakut-takot na bintangan hinggil sa sinasabing tiwaling pamamaraan sa pagtanggap ng mga tauhan at maaaring iba pang alingasngas sa Social Security System (SSS); mga akusasyon na balak isampa sa mga hukuman, lalo na sa Office of the Ombudsman. Hindi ko na iisa-isahin ang umano’y mga kasangkot sa hablahan. Sapat nang mabatid natin na ang naturang ahensiya ay pinamumugaran din ng masasalimuot na sistema sa pamamalakad.

Kamakailan lamang, ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay ginigiyagis din ng matinding pagbabangayan na humantong sa pagbibitiw sa tungkulin ng chairman nito. Nakalundo ang pagbabangayan sa sinasabing hindi maayos na paglalaan ng pondo na dapat ay dumadaloy sa mga misyong pangkawanggawa. Sa kabila ng ganitong patutsadahan, hangad nating malinawan at malantad ang katotohanan sa pangyayari, kahit na ito ay humantong pa sa Senate hearing.

Halos ganito rin ang naganap na bangayan sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) hinggil sa sinasabing pag-aagawan ng puwesto. Kapuwa kaalyado rin ng Pangulo ang mga nag-iiringan. Tila gumapang ang kamandag ng pulitika at makasariling interes o kapakanan sa naganap na mga eksena, humantong ito sa masaklap na paglalayo ng mga nagbabangayan na ang isa sa kanila ay sinasabing naging daan sa kandidatura ni Pangulong Duterte.

Hindi ba ganito rin ang nasasaksihan nating pagbabangayan sa Kongreso? May kinalaman naman ito sa planong pagsusog sa ating Konstitusyon tungo sa paglikha ng pederalismo. Sa takbo ng mga pangyayari, tila matamlay ang pagsusulong ng Cha-Cha sa taong ito.

Ang mga ito, at marami pang iba, ang natitiyak kong bubulaga sa atin sa darating na mga araw sa harap ng katotohanan na talagang maraming ahensiya ng gobyerno ang pinamumugaran pa rin ng mga anomalya.

Bilang isang appointing authority, naniniwala ako na hindi palulusutin ng Pangulo ang ganitong nakadidismayang mga pamamalakad na nagiging balakid sa paglipol ng mga anomalya sa gobyerno.