Ni Beth Camia

Muling ipinaaaresto ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon, kapwa consultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Sa limang-pahinang kautusan ni Presiding Judge Thelma Bunyi-Medina, ng Manila RTC Branch 32, bukod sa mag-asawang Tiamzon, ipinadadakip din si Adelberto Silva.

Ang tatlo ay nahaharap sa 15 bilang ng murder kaugnay ng pagkakatuklas sa mass grave sa Leyte noong 2006.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kasabay nito, kinansela rin ng korte ang tig-P100,000 cash bond na inilagak ng tatlo para sa kanilang pansamantalang paglaya.

Ang kautusan ay inisyu ng Manila RTC kasunod ng mosyon ng Department of Justice at ng Office of the Solicitor General para sa muling pagdakip sa mga akusado.

Matatandaan na noong 2016, pansamantalang pinalaya ang tatlo upang magkaroon ng partisipasyon sa peace talks.

Ayon sa Manila RTC, kasunod ng deklarasyon ni Pangulong Duterte at sa bisa ng Proclamation No. 360 na nagkakansela sa peace talks sa mga rebeldeng komunista, wala nang dahilan upang maging malaya ang tatlong akusado.