Ni BELLA GAMOTEA

Samu’t saring hinihinalang ilegal na droga at drug paraphernalia ang natuklasan sa loob ng isang high-end condominium sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City nitong Lunes ng hapon.

Sa ulat na ipinarating ng Southern Police District, nadiskubre ang hinihinalang mga droga sa 15B Tower 1, Forbeswood Heights, Forbestown Road, BGC, Taguig City, bandang 3:50 ng hapon.

Unang nagtungo sa tanggapan ng Police Community Precinct (PCP) 5 si Ma. Cherryl Rentteron, nasa hustong gulang, upang ireklamo ang isa sa kanyang mga tenant na si Benjamin De Vera dahil sa hindi umano nito pagbabayad ng buwanang upa sa 15B Tower 1, Forbeswood Heights, Forbestown Road, BGC.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Agad umaksiyon si PCP 5 commander Senior Insp. Romel Bulan, kasama ang mga opisyal ng barangay, sa reklamo ni Renterron at sumalakay sa lugar.

Hindi nadatnan ng awtoridad si De Vera at tumambad sa loob ng unit ang isang garapon na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana, isang ziplock transparent plastic bag na may hinihinalang marjuana, isang maliit na plastic container na kinapapalooban ng hinihinalang marjuana, isang pakete na naglalaman ng hihinalang cocaine, 10 pakete ng Valium, 20 piraso ng syringe na naglalaman ng hinihinalang liquid drugs, isang kahong tooter, isang plastic bottle na naglalaman ng 29 na pirasong Viagra, 1 plastic bottle na may pitong pirasong Vitraca tablet, 1 large weighing scale, 1 medicine container na naglalaman ng iba’t ibang tablet at capsule, tatlong maliit na weighing scale, dalawang medium weighing scale, isang resibo na nakapangalan kay De Vera para sa order No. 847855 at isang Official Receipt ng Driver’s license na may OR # 436912857 para kay De Vera.

Isinailalim sa dokumentasyon ang mga nasamsam na ebidensiya at patuloy ang imbestigasyon sa insidente.