Patay ang tricycle driver nang pagbabarilin ng isa sa tatlong hindi pa nakikilalang suspek, sa harapan mismo ng kanyang live-in partner habang sila ay sakay sa tricycle pauwi sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Eleros Nodado, 39, miyembro ng Sputnik Gang, at residente ng 2458-P. Camachile Street, Singalong, sa Malate. Siya ay nagtamo ng mga bala sa sentido at katawan.

Mabilis namang nagsitakas ang tatlong ‘di pa nakikilalang lalaki.

Sa ulat ni SPO4 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang krimen sa P. Ocampo St., malapit sa Taal St., dakong 1:10 ng madaling araw.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Una rito, sinundo ng biktima ang kanyang kinakasama, si Marilou dela Cruz, sa trabaho nito upang umuwi na.

Gayunman, pagsapit nila sa naturang lugar ay bigla na lang silang hinarang at pinahinto ng mga salarin.

Isa sa tatlong salarin, na armado ng ‘di batid na kalibre ng baril, ang bumaba mula motorsiklo at nilapitan ang biktima at dalawang beses binaril sa sentido.

Hindi pa nasiyahan, dalawang beses pang binaril ng suspek ang biktima sa katawan bago tuluyang sumakay sa motorsiklo at humarurot.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. - Mary Ann Santiago