ni Bert de Guzman
NASA "Sibakan Mode" si Pres. Rodrigo Roa Duterte sa pagpasok ng 2018. Nitong Huwebes, sinibak niya si MARINA (Maritime Industry Authority) administrator Marcial Amaro III dahil umano sa kanyang "excessive travels" sa ibang bansa na maituturing na junkets at gastos ng bayan. Baka hindi ninyo alam, si Amaro ay dating trusted man ni Dennis Uy, may-ari ng Phoenix Petroleum, isa sa big financial contributor sa kampanya ni Mano Digong noong 2016 elections.
Ayon kay presidential spokesman Harry Roque, talagang inis na inis si PRRD sa labis na pagbibiyahe sa ibang bansa ni Amaro at ng iba pang opisyal ng administrasyon. Umabot raw sa 24 na beses ang foreign trips ni Amaro sapul nang siya’y hirangin bilang hepe ng Marina noong Hulyo 2016.
Una rito, sinibak ni PDU30 si PCUP chief Terry Ridon, Dangerous Drugs Board (DDB) Dionisio Santiago, Atty. Elba Cruz, pangulo ng Development Academy of the Philippines (DAP) sanhi ng madalas na pagbibiyahe sa ibang bansa na ang gastos ay galing sa buwis ng taumbayan.
Siyanga pala, si Pres. Rody ay nakatakdang magbiyahe sa buwang ito sa India, South Korea at Israel. Marami na rin siyang foreign trips nitong nakalipas na taon. Bulong ng kaibigang journalist: “Siyempre pa, exempted sa foreign travels si PRRD. Siya ang pangulo ng Pilipinas.”
By the way, magkano na kaya ang nagastos ng ating Pangulo sa mga biyaheng ito? Pero, sulit naman daw ang mga biyahe dahil nakakukuha siya ng multi-bilyong pisong investment at tulong mula sa mga bansa na kanyang pinuntahan. Anyway, itanong natin kay Harry Roque kung magkano na ang perang naibigay nina Juan dela Cruz, Pedro Pasang-Hirap at Mariang Tindera sa mga biyahe ng ating Presidente.
Malayo pa ang 2019 midterm elections, pero lumulutang na sa mga survey ang kandidato sa pagka-senador na malamang daw na iboto ng mga tao. Nangunguna sa iboboto raw ng mga tao sa 2019 si Sen. Grace Poe, anak nina movie action king Fernando Poe, Jr. at Susan Roces.
Batay sa Social Weather Stations survey, kasama sa tinatawag na Magic 12 ang anak ni Pres. Rody na si Davao City Mayor Sara Duterte. Sa listahan ay kabilang sina Sens. Cynthia Villar, Koko Pimentel, Rep. Pia Cayetano, Sens. Juan Edgardo Angara, Jinggoy Estrada, Bongbong Marcos, Lito Lapid, JV Ejercito at ang broadcaster na si Erwin Tulfo. Naniniwala ba kayo sa mga survey?
Talaga raw kahit saan mapunta si Sandra Cam, PCSO board member at dating jueteng whistleblower, siya ay nakalilikha ng gulo at alingasngas. Bilang miyembro ng PCSO board, inakusahan niya si PCSO General Manager Alexander Balutan ng kurapsiyon bunsod ng maluhong Christmas Party (P6 milyon) ng ahensiya kamakailan. Itinanggi ito ni Balutan, isang dating Heneral ng Philippine Marines.
Inakusahan ni Cam si Gen. Balutan ng umano’y pagpapadala ng isang tauhan nito sa kanyang tanggapan at nagbantang pasasabugin ang opisina. Ngayon, si Sandra Cam ay nakasuot ng bullet-proof vest at helmet kahit sa loob ng kotse sa pagpunta sa tanggapan, sa Metro Manila at sa mga probinsiya.
Mr. President, ano ba ang nangyayari sa mga hinirang mong opisyal sa iyong administrasyon? Sila ay mahilig sa junkets na ang gastos ay mula sa mga Pinoy. Sila ay nag-aaway at nag-aakusahan ng kung anu-ano habang ikaw na lider ng bayan ay nangakong lilipulin ang illegal drugs, kriminalidad at kurapsiyon sa gobyerno!