Patay ang isang construction worker matapos pagtulungang saksakin ng dalawang basurero, na kapwa nito kapitbahay, at sumunod sa kanya habang papauwi sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Marvin Navarrosa, 29, residente ng Building 12, Unit 28, Temporary Housing, Aroma Compound, Vitas, Tondo.

Arestado naman sa follow-up operation ang isa sa mga suspek na si Ramil Gono, alyas Ikot, 25, sinasabing miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik gang, at residente ng Building 15. Pinaghahanap naman ng awtoridad ang nakatakas na suspek na kinilalang si Reymar Ada, alyas Emak, 28, ng Building 12, kapwa taga-Temporary Housing, Aroma Compound.

Sa ulat ni PO3 Ryan Jay Balagtas, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naglalakad pauwi ang biktima nang sundan ng mga suspek, dakong 11:25 ng gabi.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Pagsapit sa loob ng Building 12, dinamba at pinagtulungang saksakin ng mga suspek ang biktima, at saka nagsitakas.

Isinugod pa sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktima, ngunit idineklarang dead on arrival. - Mary Ann Santiago