Ni Bella Gamotea

Hinoldap ng apat na armadong lalaki ang isang gotohan na ikinasugat ng isang customer sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang nagpapagaling sa Las Piñas General Hospital ang biktimang si Aniceto Manalo, Jr., 32, ng Lumbos Avenue, Barangay San Isidro ng nasabing lungsod, dahil sa tinamong bala sa kaliwang pige buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa ulat ng Parañaque City Police, hinoldap ng apat na armadong suspek, na pawang nakasuot ng helmet, ang GO TO BAR fastfood chain na matatagpuan sa kahabaan ng Dasa Street, Barangay San Isidro ng nasabing lungsod, dakong 2:30 ng madaling araw.

National

Sen. Go, ibinahagi pakikipagkita nila ni Ex-Pres. Duterte kay INC leader Manalo

Tinutukan umano ng baril ang may-ari ng fastfood chain na si Marilyn Vizarra, 28, ng No. 8242 Ramos Compound ng nasabing lungsod, na noon ay nasa counter at sapilitang kinuha ang P15,000 cash na kita; isang cell phone, na nagkakahalaga ng P4,000; at Samsung tablet, P7,000.

Inakala naman ng mga suspek na manlalaban si Manalo nang kunin sa kanya ang kanyang cell phone at wallet na naglalaman ng P6,500 cash, dahilan upang barilin siya ng isa sa mga suspek.

Agad tumakas ang mga salarin, sakay sa tatlong motorsiklo, sa hindi batid na direksiyon.

Samantala, dalawang araw ang ipinagkaloob ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Oscar Albayalde sa hepe ng Parañaque City Police upang lutasin ang insidente.

Sinabi ni Albayalde na kapag hindi naresolba ni Parañaque City Police chief, Senior Supt. Leon Victor Rosete ang nasabing kaso sa loob ng dalawang, maaari itong maharap sa mabigat na parusa at posibleng tanggalin sa kanyang puwesto.