Hiniling kahapon ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa mga residente siyudad na sundin ang mga firecracker zone, o mga lugar lang na maaaring magpaputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, upang matiyak ang kaligtasan ng bawat isa.

“Nais kong ipaalala sa lahat na sundin ang mga batas at alituntunin sa paggamit ng mga paputok at pailaw. Magtulungan tayo sa pangangalaga sa mga miyembro ng ating komunidad at siguruhin natin na ang bawat pamilyang Navoteño ay sasalubaong sa Bagong Taon nang buo at masaya,” sabi ni Tiangco.

Ang paalala ay kasunod ng pamimigay ng tig-P2,000 aguinaldo sa mahigit 600 pamilyang nasunugan sa Market 3, sa Navotas Fish Port, at sa Barangays Sipac Almazen at Bagumbayan South noong Enero 2017.

Sinabi ng alkalde na mas maiiwasan ang mga kahalintulad na sunog kung mas mag-iingat ang publiko, at kabilang na rito ang maingat na paggamit ng paputok o pailaw sa mga itinalagang firecracker zone.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sa bisa ng Executive Order 012 series of 2015, itinalaga ng pamahalaang lungsod bilang firecrackers at fireworks zones ang Navotas City Amphitheatre, C4 Road, Bgy. Bagumbayan North.

Samantala, sa Parañaque City, mahigpit nang ipinagbabawal ang paggamit ng paputok sa mga pampublikong lugar.

Ipinaalala kahapon ni Public Information Office chief Mar Jimenez sa publiko na sa ilalim ng dalawang ordinansa at memorandum ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, mayroong 15 paputok na ipinagbabawal sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Kabilang sa listahan ang Piccolo, Super Lolo, Whistle Bomb, Goodbye Earth, Atomic Big Triangulo, Kwitis, Goodbye Philippines, Binladen, Yolanda, Judas’ Belt, Bawang, Pla-pla, Watusi, at Sawa. - Orly L. Barcala at Bella Gamotea