Ni Czarina Nicole O. Ong
Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang pagsuspinde sa apat na komisyuner ng Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa pagiging guilty sa paggawa ng masama sa kanilang trabaho, grave abuse of authority, grave misconduct, at gross negligence of duty.
Kabilang si dating ERC Chairman-CEO Jose Vicente Salazar, na una nang pinatalsik ni Pangulong Duterte, sa mga sinuspinde. Ipinag-utos din na suspindehin nang walang suweldo sina Gloria Victoria Yap-Taruc, Alfredo Non, Josefina Patricia Magpale-Asirit, at Geronimo Sta. Ana.
Nag-ugat ang suspensiyon sa inihaing reklamo ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Inc. noong Nobyembre 24, 2016. Sila ay inakusahan ng pagpanig umano sa mga kumpanyang pagmamay-ari ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan sa Competitive Selection Process (CSP) sa pagsiguro sa Power Supply Agreements (PSAs) mula Nobyembre 6, 2015 hanggang Abril 30, 2016.
Nag-isyu ng CSP resolution ang mga respondent noong 2015 na nagsasabing ang lahat ng distribution utilities ay kinakailangan magsagawa ng CSP.