KUNG mapipili bilang susunod na coach ng University of Santo Tomas Tigers, nais ni dating Barangay Ginebra guard Bal David na muling maitanim sa puso’t isipan ng mga manlalaro na ang basketball ay isang team sport.

Ayon kay David, ang teamwork ang isa sa pinakamahalagang bahagi sa naging tagumpay ng University of Santo Tomas sa UAAP men’s basketball noong dekada 90.

Wala aniyang mga tinatawag na star players sa kanila noon dahil isang pamilya ang turingan nila na nagtutulungan para manalo.

Miyembro si David ng UST team na nagwagi ng UAAP title noong 1993 at 1994, ang simula nang makasaysayang 4-peat ng Tigers.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“Hindi lang kami isang team, kundi isang pamilya kami. Gusto ko maging ganyan na yung tradition ng Tigers, “ ayon kay David.

Isa si David sa mga kandidato na kumpirmadong nag-apply para sa posisyon upang pumalit sa dating coach na si Boy Sablan.

Ilan sa mga pangalan na pinagpipilian sina dating UST coach Pido Jarencio at Estong Ballesteros.

“I just want the players to experience yung sacrifices natin nung nasa UST pa tayo. Yung tipong kahit maliit na playing time, iga-grab mo yung opportunity para makapag pahinga yung mga senior players at makatulong sa team,” sambit ng tinaguring ‘The Flash’. - Marivic Awitan