Ni: Cover Media

KINASUHAN si Naya Rivera ng domestic battery makaraan umanong saktan ang kanyang asawang si Ryan Dorsey.

Inaresto ang dating Glee star nitong Sabado ng gabi sa Kanawha County, West Virginia, kumpirmadong ulat ng pulisya sa People.com. Sa isang video mula sa local news station WSAZ, namataan ang 30 taong gulang na nakaposas at nakasuot ng hoodie habang nakaharap sa huwes.

Naya copy

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Nakalabas din si Rivera nang magpiyansa ng $1,000 (£749) personal recognizance bond at tinanggap ng kanyang biyenang lalaki.

Hindi pa nagkokomento ang tagapagsalita ni Rivera hinggil sa pagkakaresto.

Ayon sa ulat ng WSAZ, kinasuhan ang aktres sa pananakit kay Dorsey, 34, sa kanilang bahay bandang 9:30 ng gabi.

Isiniwalat ni Dorsey na pinalo siya ni Rivera sa ulo at sa ilalim ng labi habang ipinapasyal nila ang kanilang anak na si Josey, sa kalsada.

Nagpakita rin si Dorsey ng video sa pulista sa kanyang cellphone, na makikitang hinahampas siya ni Rivera.

Nagsimula ang relasyon ng dalawa noong 2010 bago sila naghiwalay. Nagkaayos sila kalaunan at nagpakasal noong Hulyo 2014, tatlong buwan makaraang makansela ang engagement ni Rivera sa rapper na si Big Sean.

Naghiwalay ang couple noong Nobyembre 2016, matapos ang dalawang taong pagsasama, at sa kanyang court papers, humingi si Rivera ng primary physical custody sa kanilang anak.

“After much consideration, we have made the decision to end our marriage. Our priority is and always will be our beautiful son that we share together. We will continue to be great co-parenting partners for him. We ask for respect and privacy for our family during this difficult time,” saad ng dalawa nang mga panahong iyon.

Gayunman, nagdalawang-isip ang Devious Maids star tungkol sa kanilang paghihiwalay at pagkansela sa divorce proceedings nitong nakaraang buwan.

Sinabi ni Rivera sa People magazine noong Oktubre: “It is what it is, but I’m glad that my family is together. (It was) a personal decision.”