Sa ospital na nagising ang isang lasing na helper nang hambalusin ng batuta sa ulo ng isang umano’y barangay tanod na nakasalubong niya sa Tondo, Maynila, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Mohammad Alejar Taludsok, 30, helper, at residente ng Delpan San Miguel Street sa Binondo.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek, na umano’y isang barangay tanod, at inilarawang nasa 55 anyos, 5’7” ang taas, payat, maitim at nakasuot ng puting T-shirt at maong pants.

Sa imbestigasyon ni PO3 Jay-ar Mercado, ng Manila Police District (MPD)- Station 2, dakong 10:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Abad Santos Avenue, sa kanto ng Villaruel Street sa Tondo.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Lasing na lasing umano si Taludsok at naglalakad sa lugar nang makasalubong niya ang suspek, na may iba pang kasama.

Sa hindi pa batid na dahilan ay bigla na lang umanong hinataw ng batuta sa ulo ng suspek ang biktima, kaya nawalan ito ng malay.

Nagsasagawa na ang mga awtoridad ng follow-up operation upang makilala at maaresto ang suspek, na sasampahan ng kasong pambubugbog. - Mary Ann Santiago