Ni: Leandro Alborote
PANIQUI, Tarlac – Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang isang 53-anyos na lalaki na matapos gahasain at maanakan ang isang dalagita sa Barangay Poblacion Norte sa Paniqui, Tarlac ay nagbanta umanong papatayin ang biktima at ang pamilya nito kung hindi muling makikipagtalik sa kanya.
Kinilala ni PO1 Clary Rirao ang suspek na si Arnel Pagaragan, may asawa, ng Bgy. Poblacion Norte, Paniqui, na nakapiit na sa himpilan ng pulisya.
Napag-alaman na Marso 2016 nang hinalay umano ni Pagaragan ang 16-anyos na biktima, na nanganak nitong Nobyembre 3.
Kamakailan, pinuntahan umano ni Pagaragan ang biktima at nais muling makatalik subalit may sakit ang dalagita, kaya naman nagbanta ang suspek na papatayin ang biktima at ang kanilang sanggol.
Dahil sa matinding takot, nagsumbong ang dalagita sa kanyang tiyakin at ini-report nila ang suspek.