Ni FER TABOY

Tatlong magkakapatid na bata ang nasawi matapos na masunog ang kanilang bahay sa Barangay Felisa sa Bacolod City, Negros Occidental, nitong Huwebes ng hapon.

Batay sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Bacolod City, kinilala ang mga biktimang sina Arthur Diloy, 4; Agerico Diloy Jr., 3; at Mary Auxencia Diloy, dalawang taong gulang.

Wala ang amang si Agerico Diloy, Sr., nang masunog ang bahay ng pamilya, na gawa sa light materials.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Dalawa namang anak na babae ni Diloy ang nailigtas sa sunog.

Dakong 5:00 ng hapon nitong Huwebes nang umalis ng bahay si Agerico Sr. upang mag-duty, at iniwan niya sa bahay ang kanyang mga anak, pero kinailangan niyang ikandado ang pintuan.

Sinabi ng ama na kakaalis niya lang sa bahay matapos dalhan ng meryenda ang kanyang mga anak hanggang sa nakarating sa kanya na natupok na pala ang kanilang bahay, kasama ang tatlo niyang anak.

Nabatid na nagtatrabaho sa Dubai sa United Arab Emirates ang ina ng mga biktima na si Jonalyn Diloy.

Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog.