May 22, 2026

Home BALITA Metro

Gunman sa panghoholdap, pagpatay sa dating security escort ni Mayor Isko, arestado!

Gunman sa panghoholdap, pagpatay sa dating security escort ni Mayor Isko, arestado!
Photo courtesy: Manila Public Information Office (FB)

Hawak na ng mga awtoridad ang lalaking itinuturong gunman sa panghoholdap at pagpatay kay George Capistrano, dating pulis ng Manila Police District (MPD) at naging security escort ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, sa Tondo, Maynila noong Marso 15 ng madaling-araw.

Sa kaniyang "Talk to the People" nitong Martes ng hapon, Marso 24, mismong si Domagoso ang naglantad ng suspek na si Albert Magdaraog sa publiko, gayundin ang nobya nitong si Ma. Cristina Anduyan, 23, na kasama niya nang maaresto ng mga awtoridad.

Ayon kay Domagoso, si Magdaraog at ang kaniyang nobya, ay naaresto ng mga awtoridad dakong 5:00 ng madaling-araw nitong Martes habang naka-check in sa isang lodging inn sa San Pedro, Laguna, base sa impormasyong ibinigay ng taumbayan.

Nakumpiska aniya mula sa suspek ang isang .40 kalibre ng baril, na pinaniniwalaang siya ring baril na ginamit nito sa pagpatay kay Capistrano.

“Malugod po naming ipinaaalam sa lahat ng taga-lungsod ng Maynila at ito ay maging babala naman sa lahat ng kriminal na maaring pumasok at gumawa ng krimen sa lungsod ng Maynila,” anunsiyo pa ni Domagoso, nang iharap sa publiko ang nadakip na mga suspek.

Metro

53-anyos na babae, namatay sa gitna ng AICS payout

“Today, we can honestly say that justice is served to the family of George Capistrano,” dagdag pa niya.

Ayon sa lokal na punong ehekutibo, si Magdaraog ay naaresto matapos na ituro ng isa pang suspek sa krimen na si Liegem Bulalacao Young, alyas "Biboy," na siyang driver ng getaway motorcycle na ginamit sa krimen.

Matatandaang si Biboy ay una nang sumuko sa mga awtoridad makaraang maglaan ang alkalde ng ₱500,000 pabuya para sa kaniyang ikadarakip.

Laking pasalamat naman ni Domagoso sa mga taong tumulong para sa agarang ikadarakip ng suspek, na aniya, ikinukonsiderang armed and dangerous.

Ani Domagoso, si Magdaraog ay mahaharap sa kasong panghoholdap at pagpatay sa piskalya habang damay na rin sa kaso ang kaniyang nobya na sasampahan naman ng kasong obstruction of justice dahil sa pagkakanlong ng isang kriminal.

Nang kausapin ng alkalde, umamin ang suspek sa krimen at sinabing siya ang bumaril sa biktimang si Capistrano matapos na makitang bubunot ito ng baril nang holdapin nila.

Anang suspek, hindi niya kilala ang biktima at hindi rin alam na pulis ito nang isagawa ang krimen.

Nakita lang umano nila ang biktima na may mga suot na mga alahas, kaya sinundan ito hinoldap.

Itinuro din naman si Magdaraog si Biboy na siya umanong mastermind sa panghoholdap, na taliwas sa unang pahayag ni Biboy na si Magdaraog naman ang itinuturong utak sa krimen.

Ayon naman kay P/Lt. Col. Rommel Anicete, ginamit daw ng pulisya ang warrant of arrest na inilabas ng Baguio City Regional Trial Court Branch 3 upang tuluyang mahuli ang suspek, na nagpalipat-lipat sa iba’t ibang probinsya sa loob ng siyam na araw na pagtatago.

Nadiskubre rin ng pulisya na may iba pang warrant of arrest si Magdaraog kaugnay ng ilang kaso ng pagnanakaw.

Inaasahan namang mahaharap pa sa mas maraming kaso ang suspek, na wanted rin sa iba pang lugar dahil sa iba’t ibang krimen, gaya ng Baguio City.