Sa isang iglap, maaaring mauwi sa trahedya ang isang simpleng masayang salusalo sa hapag-kainan.
Ito ang malagim na paalala matapos ang pagkasawi ng tatlong residente sa Purok 3, Barangay Maihao, Cawayan, Masbate noong Marso 21, 2026 matapos kumain ng butete o pufferfish, isang isdang karaniwang matatagpuan sa karagatan ngunit may taglay na nakamamatay na lason.
Ang insidenteng ito ay muling nagbigay-diin sa matagal nang babala ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources: ang butete, na kilala rin bilang “tikong,” ay hindi dapat kainin sa anumang pagkakataon, ayon sa kanilang Facebook post.
Anila, sa unang tingin, ang butete ay tila karaniwang isda lamang. Ngunit sa loob nito ay matatagpuan ang tetrodotoxin, isang napakalakas na neurotoxin na direktang umaatake sa nervous system ng tao.
Kapag ito ay nakain, maaaring magsimula ang mga sintomas sa loob lamang ng ilang minuto: pamamanhid ng labi at dila, pagkahilo, panghihina, hanggang sa tuluyang pagkaparalisa ng katawan.
Sa mas malalang kaso, naaapektuhan ang paghinga ng biktima, na maaaring magdulot ng kamatayan kung hindi agad maagapan. Ang mas nakababahala, walang antidote o lunas para sa lasong ito.
Isa sa mga maling paniniwala ng ilan ay maaaring maging ligtas ang butete kapag naluto nang maayos. Ngunit mariing pinabulaanan ito ng BFAR.
Ayon sa ahensya, hindi nawawala ang tetrodotoxin kahit pa ito ay iprito, pakuluan, o ihawin. Ibig sabihin, anumang paraan ng pagluluto ay hindi sapat upang gawing ligtas ang naturang isda.
Bukod sa pufferfish, kabilang din sa ipinagbabawal kainin ang goby fish o biya/mulog. Pareho itong saklaw ng Fisheries Administrative Order No. 249, Series of 2014 na ipinalabas ng Department of Agriculture, na mahigpit na nagbabawal sa pagbebenta, pamamahagi, at pagkonsumo ng mga nasabing isda, sariwa man o naproseso.
Sa kabila ng paulit-ulit na babala, may mga insidente pa ring nagaganap, patunay na kinakailangan pa ng mas malawak na kaalaman at disiplina sa pagpili ng pagkain mula sa dagat. Kaya naman hinihikayat ng BFAR ang publiko na:
- Kilalanin ang mga isdang may taglay na lason
- Iwasang bumili o kumain ng mga kahina-hinalang uri ng isda
- Sumunod sa mga umiiral na regulasyon para sa kaligtasan
"Patuloy na hinihikayat ng BFAR ang publiko na sumunod sa mga umiiral na regulasyon at umiwas sa pagkain ng mga isdang may taglay na lason upang maiwasan ang kapahamakan," pagdidiin ng BFAR.