Nagsasagawa ng follow-up operation ang Makati City Police sa panghoholdap ng dalawang hindi pa nakikilalang armado na tumangay sa cell phone ng mga empleyado ng isang massage parlor sa lungsod kamakalawa.

Inilarawan ang isa sa mga suspek na matangkad at payat, nakasuot ng sombrero at gray na jacket habang ang kasama nito ay mas maliit, katamtaman ang pangangatawan, nakasuot ng itim na jacket, kapwa nakasuot ng bonnet at armado ng hindi batid na kalibre ng baril.

Nanlulumong nagtungo sa tanggapan ng pulisya ang apat na biktima at isa na rito si Jude Cabigas, nasa hustong gulang, therapist sa NUAT THAI Massage Parlor sa Avida West Building, Malugay Street, Barangay San Antonio, Makati City.

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa loob ng nasabing massage center sa nabanggit na lugar, dakong 3:00 ng madaling araw.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Abala ang mga biktima sa pag-aasikaso sa kanilang kliyente nang biglang pumasok ang dalawang armado at nagdeklara ng holdap, bago tinangay ang cell phone ng mga biktima.

Sa closed circuit television (CCTV) footage, napanood ang pagtakas ng mga suspek na sumakay sa itim na Hyundai car na walang plaka at humarurot patungo sa direksiyon ng South Super Highway, Bgy. San Antonio.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. - Bella Gamotea