Ni: Leslie Ann G. Aquino
Upang mapabilis ang proseso ng pagpaparehistro, pinayuhan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga botanteng nais magparehistro para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Mayo 14, 2018 na i-download ang application form sa website ng komisyon.
“Application forms are available for download. We encourage everyone to download registration forms to hasten their applications,” sabi ni Comelec Spokesman James Jimenez.
Bagamat maaaring kumpletuhin ang form sa bahay, sinabi ni Jimenez na huwag muna itong pirmahan.
“You can fill it up at home but don’t sign it. Let the Election Officers check your form first, in case there are corrections to be made,” sabi pa ni Jimenez.
Paglilinaw niya, itinatakda ng batas na dapat lagdaan ang nasabing form sa harap ng isang election officer.
Ang mga application form para sa registration, reactivation, change/correction of entries, at inclusion/reinstatement ng mga record sa listahan ng mga botante ay maaaring ma-download sa Comelec website: www.comelec.gov.ph.
Maaaring makapagparehistro hanggang Nobyembre 30 lamang.