Ni: Fer Taboy
Tinatayang aabot sa 60 atleta at coach na kalahok sa congressional meet ang isinugod sa ospital makaraan umanong malason sa bayan ng Janiuay sa Iloilo.
Ayon kay PO2 Jessie Fusen, ng Lambunao Municipal Police, sumakit ang tiyan at nagtae ang mga biktima.
Sinabi ng pulisya na bukod sa mga atleta, dalawang coach din ng mga ito ang nalason sa kinaing hapunan.
Inihayag ng ina ng isa sa mga nalasong atleta na napansin nilang panis ang inihaing hapunan para sa mga biktima.
Ayon pa sa ginang, luma na ang kanin, na binasa lang ng tubig at ininit, habang ang ulam na inihain ay fish fillet, sweet and sour, at sopas.
Ang mga pagkaing inihanda sa Janiuay ay inihatid lamang sa billeting area ng mga atleta nitong Huwebes ng gabi, para sa kanilang hapunan.