Ni REGGEE BONOAN
CURIOUS kami kung ano ang magiging papel ni Angelime Quinto sa FPJ’s Ang Probinsyano. Lumabas na siya sa No. 1 serye nitong Miyerkules kasama sina Rico J. Puno, Janno Gibbs at Ms. Irma Adlawan.
Sa napanood namin, isang buong pamilya sila at si Angeline ay miyembro ng grupong mandurukot na nag-aabang ng mabibiktima sa malls.
Nagkaroon ng habulan dahil nabuking ng biniktima ng grupo ni Angeline ang modus nila at napadaan ang dalaga sa kinaroroonan ni Cardo Dalisay (Coco Martin) kasama si Leon/Pinuno (Lito Lapid).
Huhulaan namin na mananaig pa rin ang pagiging pulis ni Cardo (Coco) kaya siguro huhulihin niya ang grupo ni Angeline kasama na ang dalaga at simula na ito na magkakalapit ang loob nila. Tama kaya ang hula ko, Bossing DMB?
(Lagot ka kay Julia Montes, Coco! --DMB)
If ever na ganito nga ang mangyayari ay parang déjà vu na ang mga magiging eksenang nila dahil nagkaroon noon ng magandang pagtitinginan sina Coco at Angge pero hindi nagtagal dahil hindi pa handang magkaroon ng seryosong relasyon ang Primetime King o baka kasi may ibang babaeng laman ang puso niya.
At kung sakaling si Angeline ang bagong magiging third party kina Cardo at Alyanna (Yassi Pressman), kawawa naman ang huli dahil hindi na siya napahinga sa pagdududa at pagseselos.
Isa pang hula namin, pinagsama-sama sina Rico J, Janno, Angge at Irma bilang buong pamilya para magkaroon ng comic relief dahil masyado nang seryoso ang FPJ’s Ang Probinsyano.
Kaabang-abang na naman ang mga susunod na episode ng FPJAP dahil nakakaintriga kung ano ang koneksiyon ng pamilya nina Angeline kina Leon (Lito)?
Anyway, nu’ng kapalitan namin ng mensahe si Angeline na natatawa kami dahil lagi siyang nakanganga sa I Can See Your Voice, nabanggit niyang may bago siyang project pero ayaw pa niyang sabihin kung ano at ito pala iyon, kabilang na siya sa Ang Probinsyano.
Actually, gusto naming umarte si Angeline dahil marunong naman, huwag lang heavy drama dahil hindi bagay sa kanya.