Ni: Joseph Jubelag

KORONADAL CITY, South Cotabato – Kakasuhan ang isang pulis matapos niyang barilin at mapatay ang isang 63-anyos na lalaking nag-amok sa Koronadal City, South Cotabato, nitong Linggo ng gabi.

Sinabi ng pulisya na sumuko si PO3 Sanny John Rabite, 33, nakatalaga sa Lutayan Municipal Police sa Sultan Kudarat, sa himpilan ng Koronadal City Police matapos niyang barilin at mapatay si Serato Lebanes, na nag-amok sa labas ng kanyang bahay sa Barangay San Isidro sa Koronadal.

Ayon sa pulisya, lasing at armado ng patalim si Lebanes nang maghamon ng away sa mga tao sa lugar.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Tinangka ni Rabite na pakalmahin si Lebanes, pero sinugod umano siya nito.

Kaagad namang pinagbabaril ni Rabite si Lebanes gamit ang kanyang .9mm caliber pistol, na ikinamatay ng matanda.

Giit ni Rabite, prinotektahan lamang niya ang kanyang sarili laban kay Lebanes.

Sinabi ni Senior Supt. Franklin Alvero, director ng South Cotabato Police Provincial Office, na kakasuhan ng homicide si Rabite, na kasalukuyang nakapiit sa himpilan ng Koronadal City Police.