Ni: Czarina Nicole O. Ong

Inatasan ng Sandiganbayan Second Division ang National Bureau of Investigation (NBI) na arestuhin si dating Rodriguez, Rizal Mayor Pedro S. Cuerpo matapos mapatunayang nagkasala ito sa paglabag sa Article 213 ng Revised Penal Code.

Natanggap na ng General Services Division ng NBI ang kopya ng warrant of arrest ni Cuerpo noong Mayo 15, 2017. Ito ay matapos na mapatunayan ng korte na nagkasala si Cuerpo at ang municipal engineer na si Fernando Rono at mahatulan ng isang buwan at 11 araw hanggang anim na buwang pagkakabilanggo, at pagmultahin ng P1,000.

Sa bagong resolusyon ng korte nitong Oktubre 27, nakasaad na walang isinumiteng report ang NBI kaugnay ng pagpapatupad sa warrant.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Dahil dito, inatasan nina Associate Justices Oscar Herrera Jr., Michael Frederick Musngi, at Lorifel Pahimna si NBI Director Atty. Dante A. Gierran na ipatupad ang arrest warrant na may petsang Abril 27 at pagkatapos ay magsumite ng report sa korte sa loob ng 20 araw makaraang matanggap ang resolusyon.

Hinatulan sina Cuerpo at Rono sa pag-abuso sa kanilang tungkulin at pagsasabwatan nang tumanggi ang mga itong ipatupad ang utos ni Judge Elizabeth Balquin-Reyes, ng San Mateo, Rizal Regional Trial Court.

Iniutos ng korte ang pagpoproseso ng mga aplikasyon para sa building permit na inihain ng mga pribadong complainant na sina Leticia Nanay, Nancy Barsubia, Ma. Victoria Ramirez, Crisanta Oxina, at mga iba pang may-ari ng lupang pinagtatalunan.

Iginiit ng prosekusyon ng Office of the Ombudsman sa Information na “refusal on the part of the accused was without any legal justification.”