Pitong lalaki, kabilang ang dalawang menor de edad at apat na miyembro ng pamilya, ang inaresto sa umano’y panghahalay at pagnanakaw sa 19-anyos na working student habang ito ay pauwi sa Caloocan City, nitong Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ng awtoridad ang mga suspek na sina Bobby Cabuang, Damian Cabuang, Donut Cabuang, Sherwin Cabuang, Ryan Reyes, pawang nasa hustong gulang, at ang dalawang menor de edad na nasa edad 16 at 17. Sila umano ay pawang lulong sa ilegal na droga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na si “Mich”, hindi niya tunay na panglan, na nagtatrabaho bilang part-time service crew sa isang fast food chain, nang harangin siya ng pitong lalaki sa panulukan ng Purok 1 at Kawal Street, Barangay 28, Dagat-Dagatan, dakong 1:00 ng madaling araw.

Kinuha ng mga lalaki, armado ng patalim, ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang mobile phone, P3,000 cash, at iba pang mahalagang gamit bago siya kinaladkad sa madilim na bahagi ng kalye sa tabi ng nakaparadang van kung saan umano siya pinagsamantalahan, ayon sa pulis.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

Sinabi ni Mich sa mga imbestigador na nagawa niyang makatakas pagsapit ng 5:00 ng umaga at agad nagsumbong sa kanyang ina bago sila humingi ng tulong sa barangay officials na umaresto sa mga suspek.

Idiniretso ang mga suspek sa Caloocan City Police Station kung saan inamin ng dalawang menor de edad na hinalay nina Reyes at Bobby Cabuang si Mich habang hawak nilang lima ang braso at hita ng biktima.

Itinurn over sa Caloocan City Social Welfare and Development ang dalawang menor de edad habang kinasuhan naman ng rape at robbery ang limang iba pa na kasalukuyang nakakulong sa Caloocan City Police. - Kate Louise B. Javier