Ni: Marivic Awitan

Mga Laro Ngayon

(MOA Arena)

2 n.h. -- UE vs Ateneo

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

4 n.h. -- FEU vs UP

Ateneo Blue Eagles, lalapit sa markadong ‘sweep’.

KAPWA mapalakas ang kani-kanilang tsansang umusad sa Final Four round ang tatangkain ng season host Far Eastern University at University of the Philippines habang panatilihing malinis ang kanilang rekord ang target ng league leader Ateneo de Manila sa dalawang laro ngayong hapon sa UAAP Season 80 men’s basketball tournament.

Mauunang sasabak Blue Eagles ganap na 2:00 ng hapon kontra University of the East na susundan ng tapatan ng Tamaraws at Fighting Maroons sa ika-4:00 ng hapon sa MOA Arena.

Magtatangka ang Blue Eagles na madagit ang ika-11 sunod na tagumpay kontra Red Warriors na sisikaping patuloy na buhayin ang gahiblang tsansang makahabol sa huling slot sa Final Four.

Sa kabila ng kasalukuyang pangingibabaw sa standings, ayaw magkumpiyansa ng Blue Eagles sa mga natitira pa nilang laro sa eliminations.

“We have to expect that every game would not be easy for us, so we just have to be prepared always, “pahayag ni Ateneo lead assistant coach Sandy Arespacochaga.

Patitibayin naman ng Tamaraws ang kapit sa kinaluluklukang solong ika-apat na posisyon sa kasalukuyan hawak ang patas na markang 5-5 kontra Maroons na tatangkaing kumalas sa pagkakabuhol nila ng National University Bulldogs sa ikalimang puwesto taglay ang barahang 4-6, para makasalo sa fourth spot ng FEU.

Malaking hamon para sa Red Warriors ang bumalikwas mula sa 78-99 kabiguan nila sa defending champion De La Salle upang panatilihing buhay ang pag -asa nilang makahabol sa huling puwesto sa semifinals.

Sa hawak nilang 3-8 karta kailangan ng Red Warriors na huling apat nilang laban at umasang hindi lumagpas ng pitong panalo ang tatlong koponang kaagaw sa fourth spot na FEU, UP at NU.

Para naman sa kampo ng Blue Eagles, sisikapin nilang ulitin ang naitalang 83-65 na panalo kontra UE noong nakaraang Setyembre 24 para makalapit sa tangkang elimination round sweep.

Samantala sa tampok na laro , inaasahang magiging matindi ang salpukan sa pagitan ng FEU at UP na kapwa magkukumahog na bumangon mula sa natamong kabiguan sa nakaraan nilang laban, ang Tamaraws sa kamay ng Ateneo noong Oktubre 21 sa iskor na 59-70 at ang Maroons mula sa dalawang sunod na pagkatalo sa kamay ng DLSU (62-85) at UE (64-73).