Ni: Fer Taboy
Naghahanap pa ang pulisya ng testigo sa pagpatay sa isang tatlong taong gulang na babae, na hinihinalang ginahasa pa, sa bayan ng Tinambac sa Camarines Sur.
Ayon sa imbestigasyon ng Tinambac Municipal Police, hihihintay pa nila ang paglutang ng mga testigo kaugnay ng pagpatay kay Mica Azaña, na natagpuang basag ang bungo at walang suot na panty sa madamong lugar sa Sitio Gogon, Barangay Union sa Tinacbac.
Sinabi ng pulisya na hanggang ngayon ay hinihintay pa rin nila na may lumitaw na testigo sa krimen upang mabigyang katarungan ang sinapit ng paslit.
Lumabas sa awtopsiya ng Scene of the Crime Operations (SOCO) na severe traumatic head injury ang ikinamatay ng bata.
Hindi naman inaalis ng pulisya ang anggulo na posibleng hinalay si Azaña bago pinatay.