Ni: Leandro Alborote
VICTORIA, Tarlac – Lubhang nasugatan ang pitong katao nang magsalpukan ang isang kotse at isang tricycle sa Victoria-Tarlac Road, Barangay Maluid, Victoria, Tarlac, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni PO3 Sonny Villacentino, traffic investigator, ang mga sugatan na sina Benedicto Ponciano, Jr., 47, ng Ampalaya Street, Tumana, Concepcion, Marikina City, driver ng Isuzu Crosswind (ABQ-1399); at ang sakay niyang si Marta Vasquez, 54, ng Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Sugatan din ang driver ng tricycle na si Damaso Garcia III, 23, ng Bgy. Balayang, Victoria, Tarlac; at kanyang ang mga pasahero na sina Erick Pascua, 30; Sherwin Gacusan, 20; Dennis Pascua, 22; at Gilbert Maden, 25, ng Bgy. Awang, Datu Odin, Sinsuat, Maguindanao.
Base sa report, naganap ang banggaan dakong 7:45 ng gabi. Nakahinto ang Crosswind dahil sa ginagawang daan sa Victoria-Tarlac Road nang masagi ng kasunod na tricycle.