Ni: Bella Gamotea

Timbuwang ang isang babae matapos pagbabarilin ng tatlong hindi pa nakikilalang armado sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala, sa pamamagitan ng identification (ID) card ang biktima na si Honor Suarez y Abarilla, 58, ng Unit 2-A, Libertad Street, Mandaluyong City.

Inilarawan naman ang dalawa sa mga suspek na nakasuot ng bonnet at pawang nakasakay sa motorsiklong hindi naplakahan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa tapat ng apartment sa No. 9805, kanto ng Kamagong at Baticulin St., Barangay San Antonio ng nasabing lungsod, dakong 3:00 ng madaling araw.

Sa pagsisiyasat ni PO2 John Marlou Garcia, imbestigador ng Homicide Section ng Makati City Police, nakatayo ang biktima at tila may hinihintay sa nasabing lugar nang pagbabarilin ng mga suspek.

Sa pahayag ng guwardiya sa lugar, nakarinig siya ng apat na putok ng baril at nakita ang dalawang lalaking nakasuot ng bonnet na kumaripas bago sumakay sa naghihintay na motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaki saka humarurot sa hindi batid na direksiyon.

Narekober sa biktima ang isang pakete ng hinihinalang shabu at ilang basyo ng bala ng .45 caliber sa pinangyarihan.